Humiling ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ng joint task force na binubuo ng mga miyembro mula sa mga kinauukulang law enforcement agencies para imbestigahan ang kamakailang cyberattack na nagtulak sa ahensya na magpatupad ng pansamantalang pagsara ng sistema.
Sinabi ng mga opisyal ng ahensya na ang task force ay bubuuin ng mga miyembro mula sa Philippine National Police, National Bureau of Investigation, National Privacy Commission, at Department of Information and Communications Technology.
Ayon kay PhilHealth Chief Operating Officer Eli Dino Santos, ang naganap na cyberattack ay hindi lamang nakaka-alarma sa kanilang tanggapan kundi ito ay isa ring national concern.
Sinabi ni Santos na nakatakda rin ang grupo na bumili ng karagdagang cyber at infra security system upang palakasin ang proteksyon nito laban sa posibleng mga katulad na pag-atake.
Sinabi ni PhilHealth chief Emmanuel Ledesma Jr. na “fully prepared” ang grupo para sa cyber-attack at agaran ang pagtugon at tulong mula sa mga kinauukulang ahensya.
Una nang sinabi ng PhilHealth na ang website nito, member portal, at e-claims submission ay naka-online na habang ang ilang mga application server ay kasalukuyang isinasaayos.