-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang benefit package na maaaring i-avail ng mga miyembro na nakakaranas ng heat-related illnesses sa gitna ng mainit na panahon.

Ayon sa tagapagsalita ng PhilHealth na si Dr. Israel Francis Pargas, ang mga sakit na saklaw ng naturang benefit package ay ang heat exhaustion, heat syncope o kapag nahimatay/nahilo dahil sa sobrang init at heat stroke.

Ang coverage ng benefit package ay mula P12,000 hanggang P18,000.

Ipinaliwanag naman ni Dr. Pargas na may iba’t ibang coverage depende sa serbisyo tulad halimbawa kapag na-admit sa ward sa public o private hospital, mahirap man o hindi, ay dapat na walang copayment o pagbabayad ng miyembro sa porsyon ng medical expenses.

Sinabi din ni Dr. Pargas na kahit hindi kinakailangang maospital, maaari pa ring makakuha ng benepisyo kung saan kapag registered member na, wala nang hihingin pang requirements.

Hinimok naman ng bagong talagang PhilHealth President at CEO na si Edwin Mercado ang mga miyembro na manatiling alerto sa posibleng mga sakit na makuha, manatiling hydrated at iwasang mabilad ng matagal sa araw dahil mas makakaiwas sa gastos kung maagapan ang sakit at hindi na kailangan pang magpagamot.