Itinaas pa ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa P1 million kada taon ang hemodialysis package na maaaring ma-avail ng mga miyembro.
Sa ilalim ng PhilHealth Circular 2024-0023, itinaas ng ahensya ang benepisyo sa P6,350 kada session para sa mga miyembro at kanilang mga kwalipikadong dependent na may chronic kidney disease stage 5 (CKD5).
Nakasaad din sa naturang circular na dapat ibigay sa mga pasyenteng may KD5 ang mga anti-coagulation medications at mga gamot para sa anemia, mga pagsusuri sa laboratoryo, mga dialyzer, hemodialysis solutions, at mga dialysis kit bawat session.
Sakop din nito ang paggamit ng dialysis machines, facilities, utilities, at employee wages, kung saan dapat na available ang lahat ng serbisyo sa lahat ng accredited public at private hemodialysis facilities sa bansa.
Nagtakda rin ang Philhealth ng P450 na limitasyon para sa professional fees, kung kailangan ng mga pasyente ng karagdagang serbisyo tulad ng telemedicine o agarang interbensyon dahil sa mga komplikasyon na natamo sa kasagsagan ng dialysis session.