-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang paglalaan ng halos P138 million para sa kanilang Christmas party.

Ayon sa state health insurance, ang naturang halaga ay inilaan para sa pagdiriwang ng kanilang ika-30 anibersaryo para sa susunod na taon na alinsunod sa pag-obserba ng National Health Insurance Month kada buwan ng Pebrero na idineklara sa bisa ng Proclamation 1400 series of 2007.

Ganap din aniyang tumatalima ang Philhealth sa direktiba ng MalacaƱang na gawing simple ang selebrasyon ng mga ahensiya ng gobyerno para ngayong Christmas season.

Ginawa ng Philhealth ang naturang paglilinaw bilang pagtutol sa social media post ni health reform advocate Dr. Tony Leachon na siyang naglathala ng isang screenshot ng umano’y dokumento ng Philhealth na nagpapakita na nasa P137,766,032 pondo ang inilaan para sa iba’t ibang items tulad ng mga token, giveaways, commemorative medals at iba pa.

Sa unang post ni Dr. Leachon nitong Biyernes ng umaga, sinabi niyang ang naturang dokumento ay para umano sa Christmas party, bagay na agad namang nilinaw ng Philhealth.

Kalaunan, pinalitan ni Dr. Leachon ang kaniyang post at sinabing ang pondo ay para sa anibersaryo ng Philhealth subalit, iginiit nito na magarbo pa rin ito dahil sa mga problemang pinansyal na kinakaharap ng mamamayang Pilipino at zero subsidy para sa Philhealth sa 2025 national budget, dagdag pa ang paglilipat ng halos P90 billion na pondo ng Philhealth sa National Treasury.