-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nagsagawa ng isang orientation ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa mga Chief of Hospitals ng Lalawigan ng Cotabato hinggil sa programang “PhilHealth Konsulta” (Konsultasyong Sulit at Tama) na ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City

Ang PhilHealth Konsulta ay isang programa ng gobyerno na layuning magkaroon ng primary care benefit ang mga mamamayan. Kabilang sa maaaring matanggap sa ilalim ng programang ito ay ang initial at follow-up check up, piling laboratory o diagnostic services at mga gamot batay sa reseta ng doktor.

Sa kasalukuyan mayroong apat na mga accredited government hospitals na konsulta provider sa ating lalawigan na kinabibilangan ng Kidapawan City Hospital, Kidapawan City Health Office, RHU Makilala, at RHU Carmen.

Aasahang magbibigay ng desisyon ang pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sa programang alok ng PhilHealth sa mga ospital na pinapatakbo ng probinsya base sa kung ano ang mas nakakabuti sa bawat isa upang mas maipadama ang Universal Health Care na dapat matanggap ng bawat Cotabateño.

Hinikayat naman ni Ms. Lelyn T. Jocson, Senior Social Insurance Officer ng PhilHealth sa rehiyon ang bawat isa na magpa miyembro at magparehistro upang makatanggap ng libreng serbisyo mula sa programa ng gobyerno.

Kabilang sa mga dumalo sa nasabing orientation ay sina Former Board Member Shirlyn Macasarte, Former Board Member Rose Cabaya, Doctor Erwin Francis Palmones, Doctor Rodrigo Escudero, Board Member Ivy Dalumpines, PGO Consultant Rene P. Villarico at mga Chief of Hospitals ng probinsya ng Cotabato.