Tahasang sinabi ni Senate Committee on Ways and Means Chairman Senador Sherwin Gatchalian na lumalangoy sa dami ng pondo ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth.
Ayon kay Gatchalian, ang pagsauli ng ahensya ng 89 bilyong piso sa Bureau of Treasury ay walang epekto sa benepisyo ng mga miyembro.
Ang pahayag ng senador ay sa kabila ng kontrobersiya ng bumabalot sa pagsasauli ng PhilHealth sa Bureau of Treasury ng 89 bilyong piso subsidiya na natanggap ng state insurer mula sa pamahalaan, dahil natutulog lamang ito sa kaban ng PhilHealth.
Ayon kay Gatchalian, base sa mga nakalap niya na ulat, umaabot sa 500 bilyon piso na reserbang pondo ang nakatago sa kaban ng PhilHealth, kaya’t ‘di maapektuhan ang mga serbisyo nito sa mga miyembro.
Dagdag pa ni Gatchalian, pinag-aaralan niya kung paano mabibigyan ng “flexibility” ang Department of Finance, sa pamumuno ni Secretary Ralph Recto, kung paano ima-manage ang pananalapi ng pambansang pamahalaan lalo ng ang mga pondong hindi naman nagamit ng mga ahensiya sa kabila ng kanilang request at budget allocation.
Giit nito, maaari pang magamit sa pagtatayo ng classroom, pagpapagawa ng bagong kalsada o sa ibang programa ang mga hindi nagamit ng pondo sa halip na natutulog lamang ito at hindi napapakinabangan ng nakararami.