DAGUPAN CITY – Todo paliwanag ang PhilHealth sa pagkakaroon ng pagtaas sa monthly contributions ng kanilang mga miyembro dahil sa panibagong batas na inaprubahan mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa Universal Health Care.
Ayon kay Philhealth regional vice President Albert Manduriao, nakasaad sa batas na magkakaroon ng increase sa babayarang kontribusyon ng bawat miyembro ngunit hindi naman kalakihan.
Giit ni Manduriao, mula sa orihinal na batas na Republic Act 7875 ang PhilHealth ay magtatakda ng 5 percent na interest o premium na ibabayad ng bawat miyembro pero mula pa taong 1995 hanggang 2018, nasa 2.5 percent lamang ang kanilang hinihingi.
Paglilinaw pa ng opisyal, kinakailangan talagang magkaroon ng increase upang matugunan ang mga benepisyong pangangailangan ng kanilang mga miyembro bunsod na din ng inflation na siya namang tinatapatan lamang ng batas.