Sa gitna ng anunsyo ng Department of Health(DOH) kaugnay sa tumataas na kaso ng dengue, ipinapaalala ng PhilHealth sa publiko na mayroong benefit package para sa dengue.
Ayon sa PhilHealth, mula sa dating ₱16,000 nasa ₱47,000 na ang coverage rate sa pagpapaospital para sa severe dengue.
Habang nasa ₱19,500 naman ang coverage para sa mild dengue cases mula sa dating ₱10,000.
Ang mga bagong package rates para sa dengue ay kabilang sa mga pinahusay at na-rationalize noong nakaraang taon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na patuloy na mapabuti at mapanatili ang mas magandang health insurance coverage para sa mga miyembrong nangangailangan ng medical treatment.
Kasabay nito, nagpaalala din si PCEO Edwin M. Mercado sa lahat na magsagawa ng preventive measures at magpakonsulta ng maaga, lalo na kung nakakaranas ng mga sintomas ng dengue tulad ng mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng likod ng mata, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, at pantal sa balat.
Kung nakararamdam ng sintomas ng dengue o anumang sakit, pumunta agad sa inyong napiling Konsulta Package Provider. Ang Konsulta Package ay agad na magagamit ng lahat ng miyembro at dependents nang libre.