Nanindigan ang mga senador na regular nilang uusisain ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para sa mga pangako nito na magkakaroon ng improvement sa ibinibigay na access sa essential medicines ng mga nangangailangan.
Ayon kay Senate committee on health chairman Sen. Christopher “Bong” Go, hindi nagtatapos sa pagsusumite ng commitment letter mula sa PhilHealth ang pagtutok nila sa hirit na mas malawak na tulong sa mga mahihirap na nangangailangan ng medical assistance.
Matatandaang nagpadala ng liham ng pangako ang government health insurer, kung saan nakapaloob ang mga programang nais nitong mapagbuti.
Nabatid na nilalaman ng National Health Insurance Program (as mandated by Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act), na palawakin pa ang tulong na saklaw ng coverage ng Philhealth.
Una nang sinabi ni Go na mahalagang maisama sa mga programa ang outpatient drug benefit packages, para maalalayan pa rin ng gobyerno ang mga mamamayang may karamdaman, habang tinutulungan din naman ng mga ito ang kanilang sarili sa pamamagitan ng paghahanap buhay o iba pang kapaki-pakinabang na gawain.
Matatandaang dati nang napagsabihan ng ibang mambabatas ang pinuno ng Philhealth dahil sa mga paraan nito ng pagsagot sa mga katanungan ng mga miyembro ng mataas na kapulungan ng Kongreso.