Pinayuhan ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) ang mga Pilipino na agad komunsulta sa mga ospital, kasabay ng lumalalang sitwasyon ng dengue sa buong bansa.
Paalala ng state health insurer, dati na nitong tinaasan ang health coverage para sa mga mild at severe cases ng dengue, kaya’t hindi dapat mag-alala ang mga ito sa posibleng magagastos sa pagpapagamot.
Para sa mild dengue cases, aabot na sa P19,500 ang sasagutin ng Philhealth, halos doble mula sa dating P10,000.
Para naman sa sever dengue cases, aabot na sa P47,000 ang ililibre ng state health insurer, halos triple mula sa dating P16,000 na sinasagot nito.
Ayon sa Department of Health (DOH), lumubo pa sa 40% ang dengue cases sa bansa kung saan umabot na sa 28,384 ang kabuuang naitalang kaso sa buong bansa.
Ayon sa Philhealth, maaari ding maka-avail ang publiko ng PhilHealth-Konsulta Package na sumasaklaw sa mga consultations at mga blood test.
Kabilang dito ang mga magpapakonsultang nakakaramdam o nakakaranas ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pagsusuka, rashes, pagkahilo, atbpang sintomas ng dengue.