CAGAYAN DE ORO CITY – “Wala umanong kinasangkutan na anumang anomalya ang regional vice president Masiding Alonto Jr. sa PhilHealth Northern Mindanao.”
Depensa ito ni PhilHealth regional spokesperson Merlyn Ybanez kaugnay nang pagkaugnay sa pangalan ni Alonto na kabilang sa mafia group na tinukoy na humawak sa nagiging galaw o mga programa ng ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Ybanez na totoong 20 taon nang nakaupo sa tungkulin si Alonto sa rehiyon subalit kailanman umano ay hindi ito nasangkot sa anumang anomalya na kinakaharap ng ahensiya.
Una rito, ibinulgar ni dating PhilHealth president Dr. Roy Ferrer at resigned board member Roberto Salvador na kaya hindi umano makagalaw ang mga reporma at program ng ahensiya ay dahil sa mafia group.
Subalit sagot naman ni Ybanez na nagsilbing anti-fraud ang regional vice president ng ahensiya na kinabibilangan ni Alonto, pinag-iinitan daw sila ni Ferrer at pilit inilipat sa ibang lugar na walang nagawang konsultasyon.