Tiniyak ng Philippine Health Insurance (Philhealth) na bukas ang access ng mga mamamayan sa dengue coverage kasunod ng patuloy na pagtaas ng mga kaso ng dengue mula sa ibat ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay PhilHealth Senior Vice President for Health Finance Policy Sector Israel Francis Pargas, mayroong tatlong packages na maaaring pagpilian ng mga natamaan ng dengue.
Paliwanag ni Pargas, una na dito ang primary care benefit o ang Konsulta na siyang service provider ng Philhealth kung saan maaari makapagpacheck up ang mga nakakaramdam ng sintomas ng dengue ng libre at walang bayad.
Kabilang na din sa package na ito ang mga maaaring ipagawang laboratory tests na makukuha din ng libre sa kanilang Konsulta provider.
Pangalawang bahagi naman ng mga packages ay kung ang pasyente ay dinala sa emergency room dahil sa mga sintomas ng dengue ngunit hindi naman kinakailangang ma-admit sa ospital, maaari ring makatanggap ng compensation ang mga poasyente sa ilalim ng outpatient emergency care package.
Ang huling package naman ay ang para sa mga admitted patient na mayroong diagnosis ng dengue na maaaring makatanggap ng benepisyo na P19,500 na compensation at kapag malala naman ang dengue ng isang pasyente makkatanggap naman ng P47,000 ang mga ito bilang bahagi pa rin ng packages na ito.
Samantala, ayon naman sa datos ng Department of Health (DOH), naoobserbahan umano ang bahagyang pagbagal sa mga dengues cases sa nakalipas na apat na linggo.
Simula magsimula naman ang taong 2025 hanggang nitong Pebrero 15, nasa kabuuang bilang na 43,732 ang mga kaso ng dengue sa buong bansa na siyang 56% na mas mataas kumpara sa 27,995 na mga kaso noong 2024.