-- Advertisements --

Tinaasan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang benefit packages para sa mga nakagat ng hayop sa gitna ng paglobo ng bilang ng nasasawi sa rabies.

Base kasi sa datos ng Department of Health (DOH), nakapagtala na ang Pilipinas ng 55 kataong nasawi mula sa rabies mula Enero 1 hanggang Marso 1 ngayong taon.

Sa isang statement, inanunsiyo ng state health insurer ang pagtaas sa Animal Bite Treatment (ABT) package sa P5,850 mula sa dating P3,000.

Saklaw sa naturang benefit package ang post-exposure prophylaxis, rabies vaccine at rabies immune globulin for protection, wound care, tetanus toxoid, anti-tetanus serum at antibiotics.

Ayon kay PhilHealth President at CEO Edwin Mercado, maaaring ma-avail ang benefit package sa 700 aaccredited providers sa bansa.

Gayunpaman, pinapaalalahanan naman nito ang publiko na para makaiwas sa rabies ang unang hakbang na dapat gawin ay pabakunahan ang mga alagang hayop.