Ikinatuwa nina Sen. Bong Go at Senate Minority Leader Franklin Drilon ang ginawang hakbang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bawasan ang presyo ng COVID-19 test packages.
Ito’y matapos pagbintangan ang government-owned insurance agency na mas mahal pa umano ang mga test kits nito kaysa sa inaalok ng mga pampribadong laboratoryo.
Tinapyasan ng PhilHealth ang halaga ng coronavirus test mula sa orihinal nitong presyo na P8,150 ay naging P3,409 na lamang ito.
Habang ang mga gagamit naman ng donated kits ay sisingilin lamang ng halagang P2,077 sa mga private laboratories habang P901 naman sa mga public hospitals.
Hinikayat din ni Sen. Drilon ang ahensya na kaagad ipatupad ang bagong rate packages. Mas maigi raw kasi na kaagad maisalba ang posibilidad na maibulsa ng mga tiwaling opisyal ng Philhealth at mga kasabwat nito ang halos P9.48 billion pesos na public funds.
Pinuri rin ni Sen. Go ang bagong rate package ng naturang ahensya. Aniya mas malaki umano ang maitutulong nito sa ginagawang pagpapalawig ng national government sa limitadong resources.
Mas mabibigyan-pansin din daw ang mga health services na lubos na nangangailangan ng pansin mula sa gobyerno bukod pa sa COVID-19 testing.
Ginawa ng PhilHealth ang naturang habang para dagdagan pa ang availability at affordability ng testing kits sa merkado.
Nilinaw din nito na kasama na sa babayaran ng isang indibwal ang clinical assessment, specimen collection, specimen transport at mga materyales tulad ng Personal Protective Equipments (PPEs) at test kits.