CAUAYAN CITY – Pinag-iingat ng ambassador ng Pilipinas sa Turkey ang mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) dahil sa biglaang pagtaas ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Philippine Ambassador to Turkey Raul Hernandez, sinabi niya na tumaas sa halos 50 percent ang kaso ng COVID-19 sa 15 lalawigan ng Turkey.
Umabot sa 19,000 ang naitalang kaso sa loob lamang ng 24 oras kabilang na ang mga asymptomatic na nasa 6,800.
Nasa 474,000 na ang naitalang kaso ng COVID-19 sa Turkey, 13,000 na ang nasawi at pinakahuling naitalang namatay ang 174 na tao.
Ayon kay Ambassador Hernandez, pinakamaraming Pinoy ang nakatira sa Istanbul, Izmir at Ankara kaya tinututukan nila ngayon ang mga nasabing lugar.
Nananawagan si Ambassador Hernandez sa mga OFW sa Turkey na manatili lamang sila sa loob ng bahay kung hindi importante ang kanilang gagawin sa labas upang maiwasang mahawaan ng virus.