-- Advertisements --

Kasunod ng mga ulat ukol sa mga namatay na hayop sa Nueva Vizcaya dahil sa mga biglaang pagbaha noong nanalasa ang supertyphoon Pepito, nanawagan ang grupong Philippine Animal Welfare Society (PAWS) sa pamahalaan na isama ang mga hayop sa National Disaster Preparedness Plan.

Apela ng grupo, kailangan ding maikunsidera ang kaligtasan at kapakanan ng mga farm animals sa panahon ng mga kalamidad.

Ayon sa grupo, matagal na itong nananawagan na maisama ang mga farm animals sa National Disaster Preparedness Plan.

Marami sana ang naisalba sa mga nasawing hayop kung naikunsidera o naisama lamang ang mga ito sa response and evacuation protocols.

Katwiran ng grupo, hindi lamang dapat ikinukunsidera ang mga alagang hayop bilang ‘financial figure’ bagkus, dapat mabigyan din ng sapat na pagkalinga.

Ayon sa grupo, sa panahon ng kalamidad ay inililikas ang mga tao patungo sa mga ligtas na evacuation center habang naiiwan lamang ang kanilang mga alagang hayop sa open area na kalimitang dumaranas sa bagsik ng mga bagyo.

Pinuna rin ng grupo ang hakbang ng pamahalaan na hanggang ‘compensation’ o bayad-danyos lamang sa mga alagang hayop na nasasawi sa panahon ng kalamidad.

Sa naturang approach o hakbang, hindi umano napoprotektahan ang mga hayop bagkus tuloy-tuloy lamang silang napapabayaan.