Tagumpay ang Philippine army corporal na si Richard Salaño sa 5th Techcombank Ho Chi Minh City International Marathon sa Vietnam at sa 2023 Cebu Marathon sa kategoryang men’s 21- kilometer.
Natapos niya ang Vietnam marathon sa oras na 1 hour, 10 minutes, and 33 seconds at tinalo ang mahigit 12,000 runners from 64 countries. Isinaad ng marathon runner na matagal na siyang sumasali sa mga ganitong klaseng kompetisyon bago pa siya sumali sa militar.
Sa panayam ng Star FM Baguio sa Philippine army athlete, isang malaking karangalan ang kanyang pagkapanalo at kahiligan niya talaga ang pagtakbo.
“Siyempre, ang pakiramdam ko ay sobrang saya at sobrang proud ako sa sarili ko. May maipagmamalaki ako sa pamilya ko at sa mga sumusuporta sa akin. Kapag nandoon ka na sobrang pressure pero mawawala rin ang kaba mo.”
Nagbigay rin ito ng mensahe para sa mga gustong subukan ang marathon running.
“Tiyaga lang talaga dapat saka disiplina. Hindi dapat mawala ang disiplina sa sarili.”
Pinaghahandaan naman ng army athlete na si Salaño ang paparating na SEA Games ngayong taon sa kategoryang marathon.