-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Dinagdagan pa ng Philippine Army ang kanilang deployment sa lalawigan ng Masbate sa harap ng magkakasunod na pag-atake ng New People’s Army (NPA).

Ngayong Linggo ng umabot na sa tatlo ang naitalang mga engkwentro sa lalawigan kung saan isang sundalo na ang namatay habang dalawang pulis at dalawa rin na sundalo ang nasugatan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. Frank Roldan ang Division Public Affairs Office (DPAO) Chief ng 9th Infantry Division ng Philippine Army, maliban sa dagdag na mga sundalong nagpapatrolya sa lugar nagpapatuloy pa rin ang kanilang hot pursuit operation laban sa mga nakatakas na NPA.

Inaasahan na umano ang pagdami ng mga pag-atake ng komunistang teroristang grupo lalo pa at papalapit na ang anibersaryo nito sa darating na Marso 29.

Subalit tiniyak naman ni Roldan na nakahanda ang Philippine Army katulong ang Philippine National Police upang pangalagaan ang katahimikan sa lugar.

Binigyang diin rin ng opisyal na nagpupumilit na lang na manggulo ang NPA na kulang na ang mga miyembro dahil karamihan sa mga ito ay sumuko at nagbagong buhay na.