Tinambangan ng ilang miyembro ng New People’s Army ang ilang tropa ng 49th Infantry Battalion na nagsasagawa lang sana ng kanilang Disaster Relief operation sa lalawigan ng Albay.
Ito ay matapos na tumama ang bagyong Kristine at pangunahing naapektuhan ay ang Bicol region.
Sa isang pahayag, sinabi ni Army Chief Public Affiars, Col. Louie Dema-ala na ang hakbang na ito ng mga rebeldeng grupo ay mariin nilang kinokondena.
Ito aniya ay pagpapakita lamang ng isang kaduwagan gayong abala ang lahat sa pagtulong sa mga residenteng nasalanta ng bagyo.
Ayon kay Dema-ala, maituturing na banta sa seguridad at kapayapaan ang paggamit ng NPA ng mga anti-personnel mines upang idiskaril ang kanilang operasyon.
Kaugnay nito ay nanawagan ang Philippine Army sa publiko na makipagtulungan sa kanilang hanay at i-ulat ang mga kahinahinalang rebelde sa kanilang mga lugar.