-- Advertisements --

Matagumpay na nanutralisa ng mga tropa ng gobyerno ang labing siyam na pinaghihinalaang miyembro ng rebeldeng grupo na New People’s Army.

Ayon sa Philippine Army, ang naturang bilang ay naitala mula Hulyo 29 hanggang Agosto 31 ng kasalukuyang taon.

Mula ito sa labing apat na engkwentro ng 3rd Infantry Division ng Philippine Army laban sa mga rebeldeng grupo.

Labintatlo sa mga nasawi na NPA ay mula sa Panay Island at anim ay mula sa Negros Island.

Kabilang sa mga napatay na rebeldeng NPA ay si Maria Concepcion Araneta-Bocala o “Ka Concha.”

Nasawi ito sa isang engkwentro sa 82nd Infantry Battalion sa ilalim ng 301st Infantry Brigade noong Agosto 15 sa Lambunao, Iloilo.

Si Bocala ay dating secretary general ng NPA sa Panay Island, ay itinuring na most wanted communist rebel sa Visayas na may bounty na P5.3 milyon.

Dalawang iba pang pangunahing lider ng NPA ang na-neutralize kasama si Bocala – sina Vivian Torato Teodosio at Vicente Hinojales.

Nakuha rin ng mga sundalo ang 30 baril mula sa mga ito.