-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine Army ang mahigpit na pagbabantay sa posibleng pananakot na gagawin ng mga rebeldeng komunista sa panahon ng halalan.

Ito ay sa kabila ng tuluyang pagbaba ng bilang ng mga rebelde at tuluyang pagkakabuwag sa maraming front ng armadong samahan.

Ayon kay PH Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, mananatiling naka-alerto ang mga sundalo upang mabantayan ang posibleng pag-impluwensya ng mga rebelde sa halalan, kasama na ang pananakot sa mga komunidad, at ang dati nang binabantayang pangingikil sa mga kandidato

Sa mga nakalipas na halalan kasi ay binabantayan ng PH Army ang ginagawang pangangalap ng pondo ng mga rebelde mula sa mga kandidato.

Sa kabila nito, tiniyak ng Army colonel na wala nang kakayahan pang manggulo ang mga rebelde sa nalalapit na halalan, lalo na at hindi na rin nakakatanggap ang mga ito ng suporta mula sa mga komunidad at mga kandidato.

Batay sa datus ng PA, nag-iisa na lamang ang guerilla front na natitira at patuloy na binabantayan.

Samantala, tiniyak din ni Col. Dema-ala ang kahandaan ng PA na tumulong para magbantay sa kabuuan ng 2025 midterm elections.

Aniya, sapat ang bilang ng mga sundalo at mga kagamitan ng hukbo para ideploy at tumulong sa iba’t-ibang law enforcement agencies sa kabuuan ng May 2025 national at local elections.