Pumanaw na ang Philippine basketball legend na si Avelino ‘Samboy’ Lim sa edad na 61.
Ang balita ng pagpanaw ni Lim ay inihayag sa kanyang official Facebook page.
Ayon sa post, sa kanyang huling sandali, si Lim ay inaalagaan ng kanyang pamilya, kabilang si Atty. Darlene Berberabe at anak na si Jamie, at mga kaibigan tulad nina Allan Caidic at Robert Evangelista.
Magugunitang si Lim ay nag-collapse at inatake sa puso noong Nobyembre 28, 2014 sa isang exhibition match. Na-comatose siya at nagkamalay noong Enero 2015.
Una rito, Si Lim ay isang nine-time PBA champion nang naglaro siya para sa San Miguel Beermen mula 1986 hanggang 1997.
Bukod sa listahan ng 25 Greatest Players, pinangalanan din si Lim sa listahan ng 40 Greatest Players.
Siya rin ay bahagi ng pambansang koponan na nanalo ng silver medal noong 1990 Beijing Asian Games, at bronze medal noong 1986 Seoul Asian Games.
Nagkaroon siya ng gintong medalya mula sa 1985 FIBA Asia Championship, at 1983 and 1985 editions ng Southeast Asian Games.
Si Lim ay produkto ng Colegio de San Juan de Letran kung saan nagkaroon siya ng tatlong NCAA championship noong 1982, 1983, at 1984.