-- Advertisements --

LAOAG CITY – Hindi maaaring tumigil ang Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines sa pagprotekta sa mga karapatan at teritoryo ng Pilipinas.

Ito ang naging pahayag ni Commodore Jay Tristan Tarriela, ang tagapagsalita ng West Philippine Sea sa Philippine Coast Guard sa patuloy na aktibidad ng Chinese Coast Guard sa West Philippine Sea.

Aniya, sa dagat ay hindi tulad ng kalsada na agad na maipepreno ng barko kung may mangyayaring hindi maganda pero pwede kang makaiwas, ngunit ang ginawa ng China ay hindi nila ito iniwasan bagkus sinadya pa nila na banggain ang barko ng Philippine Coast Guard.

Ito ay kasunod ng muling banggaan sa pagitan ng mga barko ng China Coast Guard at Philippine Coast Guard.

Dahil dito, nag-deploy ang Philippine Coast Guard ng mga pinakamahusay na coast guard sailors upang maunawaan ang tungkol sa maritime geography sa West Philippine Sea.

Sa kasalukuyan, mayroong tatlong coast guard vessels na nakatalaga, ang BRP Sandangan, BRP Cabra at BRP Teresa Magbanua kung saan ito ay itinuturing na isa sa pinakamalaking barko ng Philippine Coast Guard.

Sa usapin ng mga tauhan, ang bansa ay may 9 na okupado ng maritime features sa West Philippine Sea, samantalang tatlo dito ang walang presensya ng Philippine Coast Guard, ang Kota, Ayungin at Rizal.

Habang ang anim ay inookupahan ng Philippine Coast Guard at Armed Forces of the Philippines.

Ayon kay Tarriela, hindi niya masasabi kung sapat na ang bilang ng mga tauhan na naka-deploy para masabing ligtas sila sa anumang panganib.

Inamin niya, na kahit mahirap para sa mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines na magsagawa ng resupply mission, hindi sila titigil dahil umaasa sa kanila ang mga mangingisdang Pilipino.

Iginiit ni Tarriela na hindi kailanman lumalabag sa international law ang kanilang ginagawa kung saan sinusunod nila ang mga alituntunin ng United Nations Convention of the Law of the Sea.

Aniya, walang ginagawang masama ang Philippine Coast Guard, ibig sabihin, maaaring hindi maintindihan ng China Coast Guard ang international law.

Sa kabila ng aktibidad ng Chinese Coast Guard, iginiit niya na mananatili lamang ang presensya ng Philippine Coast Guard sa West Philippine Sea.

Samantala, sinabi ni Tarriella na hindi sila titigil sa pakikipaglaban para sa karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea dahil ang kanilang ginagawa ay para sa kinabukasan ng mga susunod na henerasyon.