-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Mahigpit na mino-monitor ngayon ng Philippine Coast Guard ang posibilidad ng pagkakaroon ng oil spill matapos ang nangyaring pagkasunog ng MV Ken commercial Boat sa Castilla, Sorsogon.

Ayon kay Coast Guard Station Sorsogon Commanding Officer Commander Christian Jazmin sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, sa kasalukuyan ay wala pang senyales ng oil spill sa lugar subalit hindi inaalis ang posibilidad nito.

Paliwanag ng opisyal na ang karagatan ng Castilla ay mayaman sa lamang dagat.

Kung sakali aniya na magkakaroon ng pagtagas ng langis sa karagatan ay siguradong maaapektuhan nito ang marine resources at ang kabuhayan ng mga mangingisda.

Nilinaw rin ni Jazmin na sa kasalukuyan ay wala pang ipinapalabas na abiso ng pagbabawal na mangisda sa lugar subalit patuloy na nakabantay ang mga kinauukulan.

Samantala, ipinapasakamay naman ngayon sa Maritime Industry Authority ang mga gagawing hakbang sa nasunog na sasakyang pandagat.