LAOAG CITY – Nagbabala ang Philippine Coast Guard – Ilocos Norte sa mga mangingisda sa bayan ng Burgos dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na huwag kunin at lapitan ang anumang makikitang debris ng Long March 7A Rocket ng China.
Ayon kay Coast Guard Lt. Joseph Christian Sagun, Provincial Director ng Philippine Coast Guard – Ilocos Norte, ito ay matapos maituring na delikado dahil sa epekto ng rocket radiation at toxic substances tulad ng rocket fuel.
Aniya, dakong alas-8 ng gabi ng Hunyo 29, nakita ng mga miyembro ng Philippine Coast Guard Substation sa bayan ng Burgos ang paglulunsad ng China ng rocket na tinatayang nasa 70 kilometro ang layo mula sa naghulugan nito.
Paliwanag niya, kinabukasan ay agad silang naglunsad ng information drive sa mga coastal area ng nasabing lugar para ipaalam ito sa mga mangingisda.
Sinabi niya na ang Philippine Coast Guard ay nagsasagawa ng masinsinang pagpapatrolya sa dagat upang makita ang mga debris na nahulog mula sa rocket launch ng China.
Dagdag pa niya, ligtas ang mga mangingisda sa lalawigan dahil aabot lamang sa apatnapung kilometro mula sa baybayin ang kanilang pangingisda.
Kaugnay nito, sinabi ni Coast Guard Lt. Sagun na wala silang natatanggap na ulat tungkol sa panggigipit ng mga Tsino sa mga mangingisda sa lalawigan.
Samantala, agad na inatasan ni Gov. Matthew Marcos Manotoc si Police Col. Frederick Obar, Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial na makipag-ugnayan kay Coast Guard Lt. Sagun.
Una rito, nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa posibleng pagbagsak ng debris mula sa paglulunsad ng Long March 7A rocket ng China sa dagat malapit dito sa Ilocos Norte at Cagayan.