KALIBO, Aklan—Nakaantabay na ang tauhan ng Philippine Coast Guard at ang kanilang mga kagamitan gaya ng rubber boat at high speed response boat upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at mga turista na patawid at palabas sa isla ng Boracay lalo na’t inaasahan ang influx ng bakasyunista ngayong Holy Week.
Ayon kay Lieutenant Junior Grade Joeweskie Sarza, commander ng PCG Boracay sub-station, mas pa nilang pinalakas ang kanilang monitoring sa mga karagatan at tinitiyak ng mga ito na dumadaan sa pre-departure inspection ang mga umaalis at dumadating na mga sasakyang pandagat para sa seguridad ng lahat.
Dagdag pa ni Lieutenant Junior Grade Sarza na may Malasakit Help Desk silang inilagay sa Caticlan jetty port para sa mga turista at bakasyunista na mangangailangan ng kanilang serbisyo.
Sa kasalukuyan ay handa na ang lahat ng iba’t ibang law enforcement agency sa pagbuhos ng mga bakasyunista sa isla ng Boracay.