-- Advertisements --

CEBU CITY – Pinalawig pa ng Philippine Coast Guard (PCG) hanggang Enero 10 ang deadline ng pagpaparehistro para sa mga sasakyang pandagat na gustong lumahok sa inaabangang fluvial procession ng 460th Fiesta Señor.

Inihayag ni Philippine Coast Guard Central Cebu station Commander Captain Jerome Lozada na sa kasalukuyan ay kakaunti pa lamang ang nakapagparehistro na nasa 121 vessel pa lamang.

Sinabi pa ni Lozada na batay sa kanilang datus sa nakaraang taon, nasa mahigit 200 vessel ang nagpatala na lumahok sa fluvial procession.

Aniya, i-maximize pa umano nila ang kanilang deployment sa mga floating assets at mga personnel sa panahon ng kaganapan.

Patuloy namang hinimok ang lahat ng mga interesadong partido na kumpletuhin ang kanilang pagpaparehistro sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang anumang isyu.

Nagkaroon na rin ng inter-agency meeting bilang paghahanda sa ligtas at matagumpay na fluvial procession ng imahe ng Señor Sto. Niño.

Nakasentro ang talakayan sa pagtiyak sa kaligtasan ng mga dadalo, mahusay na pamamahala sa prusisyon , at pag-secure sa lahat ng mga rehistradong de-motor na bangka at sasakyang-dagat upang maiwasan ang anumang insidente.