LEGAZPI CITY- Nagpahayag ng suporta ang Philippine Consulate General ng New York sa Filipino-American nurses na kabilang sa nasa 7,000 workers na nagkasa ng strike laban sa dalawang malaking ospital sa lugar ipang ipanawagan ang mas mataas na sahod at mas paborableng working conditions.
Nagsagawa ng strike ang mga miyembro ng New York State Nurses Association sa harap ng Mount Sinai Hospital at Montefiore Medical Center kasunod ng isyu sa umano’y hindi patas na pasahod sa kanila.
Ayon kay Bombo International Correspondent Marlon Pecson, nais ng konsulado na kilalain ang sakripisyo at serbisyo ng mga healthcare workers para sa ikabubuti ng kanilang mga pasyente.
Kung matatandaan, ang New York ang isa sa mga naging epicenter ng COVID-19 pandemic noong 2020.
Aniya maraming mga Filipino-American nurses ang nagtaya ng buhay upang gampanan ang kanilang tungkulin sa kasagsagan ng pandemya.
Dahil dito ay marapat lamang umanong maipaglaban ang kanilang karapatan lalo na sa gitna ng high cost of living sa New York.
Dagdag pa ni Pecson na ang naturang aktibidad ay itinuturing na isa sa pinakamalaking strike na nangyari sa New York sa loob ng ilang dekada.