Iniulat ni Philippine Consul General in California Adelio Angelito Cruz na tumanggap na rin ng tulong ang mga Pilipinong nasunugan sa Los Angeles, California.
Ayon kay Cruz, binuksan na rin ng Federal Emergency Management Agency (FEMA) ang assistance para sa lahat, hindi lamang para sa mga American national kungdi maging ang iba pang mga lahi tulad ng mga Pinoy na nakabase roon.
Kabilang sa mga tulong na ibinibigay ay ang grant at relief assistance para sa mga nasunugan, kasama ang federal assistance for housing na aabot hanggang $43,000.
Tumutulong din aniya ang konsulada para matukoy ang mga Pinoy na apektado sa malawakang wildfire, at tulungan ang mga ito habang pansamantalang nasa mga evacuation area.
Sa ngayon ang tulong aniya na kailangang hilingin mula sa pamahalaan ng Pilipinas ay ang pagtulong sa mga apektadong undocumented Filipino na apektado sa sunog.
Ayon kay Cruz, mas mabuti nang matulungan silang makabalik sa Pilipinas at mahanapan ng akmang trabaho pagbalik dito. Handa aniya ang konsulada na tulungan ang mga ito na makabalik sa Pilipinas.
Una nang iniulat ng konsulada na halos dalawandaang(200) Pinoy na nakabase sa LA ang apektado na sa malawakang sunog.