-- Advertisements --

LAOAG CITY – Mahigpit na binbantayan ng Philippine Consulate sa Hongkong ang magkasunod na insidente ng pagkamatay ng mga Overseas Filipino Workers sa nasabing bansa.

Ito ang sinabi ni Bombo International News Correspondent Nonalyn Miguel sa bansang Hongkong.

Ayon kay Miguel, simula ng mangyari ang pagkahulog ng isang Pilipina habang naglilinis ng bintana sa tahanan ng kanyang amo noong Mayo 16 ay nagsimula ng maalarma ang Filipino Community lalo na ang Philippine Consulate.

Aniya, ito ang nagdulot ng katanungan lalo na at nasa kontrata nila ang pagbabawal na maglinis ng bintana dahil sa taas ng gusali.

Kaugnay nito, inilahad ni Miguel na maliban sa mga posibleng pagpipilit ng mga employer ay mas nakakaalarma ang sadyang pagpapakamatay ng mga kapwa nila OFWs gaya ng namatay noong lunes, Mayo 29 matapos tumalon sa rooftop ng gusali.

Dahil dito, sinabi ni Miguel na maliban sa pakikipag-ugnayan ng Philippine Consulate sa kanilang mga Pilipino sa Hongkong ay may komukasyon din ang mga ito sa mga employer.

Samantala, nagpaalala si Miguel sa kaniyang kapwa OFWs na ang pagtratrabaho sa abroad ay hindi madali ngunit kailangan para sa mga pamilyang naiwan sa Pilipinas.