Hinihintay na lamang ng Philippine contingent ang ibibigay sa kanilang assignment, kasunod ng tuluyan nilang pagdating sa Myanmar upang tumulong sa malawakang search, rescue, at retrieval operations kasunod ng magnitude 7.7 na lindol na tumama kamakailan.
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Atty. Chris Bendijo, kailangang maging organized at maayos ang kooperasyon sa pamahalaan ng Myanmar upang magiging mas madali ang operasyon.
Batay sa feedback mula sa Philippine contingent aniya, mayroon ding iba pang team mula sa ibang mga bansa na naghihintay lang ng go-signal upang agad masimulan ang operasyon.
Pagtitiyak ni Bendijo, ang Philippine contingent ay binubuo ng mga eksperto tulad ng mga medical professional, at mga search and rescue experts, na tiyak na makakatulong sa malawakang operasyon.
Samantala, wala pang impormasyon ukol sa kinaroroonan ng apat na Pinoy na una nang napaulat na nawawala kasunod ng malakas na lindol.
Ayon kay Atty. Bendijo, bagaman naroon na ang contingent ng bansa, hindi agad makakilos ang mga ito upang hanapin ang mga nawawalang Pinoy dahil kailangan ng mahigpit na koordinasyon sa host country.
Bahagi ito aniya ng One ASEAN One Response policy ng mga bansang nasa ilalim ng regional organization.
Sa ilalim nito ay magpapadala ang mga member countries at neighboring countries ng kani-kanilang mga team o contingent sa isang bansa na nakaranas ng mabigat na kalamidad.
Gayunpaman, hawak pa rin ng host country ang operational control at hindi pwedeng idikta ng visiting contingent ang lugar na maaari nilang tutukan.