Nagpahayag ng labis na pagkabahala at pag-aalala ang Philippine Council for Foreign Relations (PCFR) kaugnay sa ginawang Chinese intrusions sa West Philippine Sea.
Sa isang pahayag na inilabas ng PCFR sa pangunguna ng kanilang Chairman of the Board na si Rafael Alunan III, binigyang-diin nito na batay sa obserbasyon ng maritime security authorities ng Pilipinas ang mga galaw at aktibidad ng mga Chinese vessels sa West Phl Sea ay hindi isang ordinaryong fishing activities kundi mga Chinese Maritime Militia vessels na nagdudulot ng banta sa peace and security sa nasabing lugar.
Ayon sa council ang ginawa ng Beijing ay malinaw na intrusion o panghihimasok sa EEZ lalo na ang kanilang ginawa sa Julian Felipe Reef na matatagpuan sa loob ng EEZ ng bansa.
Ang Pilipinas ang siyang may sovereign rights and jurisdiction sa nasabing lugar.
Nilinaw ng council na ang Philippine rights sa 200-mile exclusive economic zone sa West Phl Sea ay kinumpirma nuong 2016 final judgement of the Arbitral Tribunal ng 1982 United Nations Conventions on law of the Sea (UNCLOS).
Subalit ang nasabing arbitral ruling ay hindi kinikilala ng China at ang ginawang “nine-dash line” nito sa South China Sea ay walang legal na basehan.
Nananawagan din ang PCFR sa China na agad na alisin ang kanilang mga barko sa EEZ ng bansa.
Naniniwala ang PCFR na ang pagkakaisa ng mga Pilipino ay maging daan para maresolba ang isyu lalo na malaking hamon ito sa ekonomiya, environment at human life.
Ang Philippine Council for Foreign Relations ay binubuo ng mga dating matataas na opisyal ng pamahalaan at military and police generals.