-- Advertisements --

(Update) KALIBO, Aklan— Nagpaabot ng pakikiramay sa mga kaanak ng mga nasawi ang Philippine Dragon Boat Federation (PDBF), ang national sports organization sa bansa sa tumaob na dragon boat sa baybaying sakop ng Sitio Lingganay, Barangay Manocmanoc sa isla ng Boracay na ikinamatay ng pitong miyembro ng Dragon Force team.

Statement of PDBF
Statement of PDBF

Nasa funeral homes na ang mga labi ng nasawi habang nananatili pa rin sa isang pribadong ospital ang 14 na survivors kabilang ang Chinese at Russian nationals.

Ayon sa pinakahuling ulat mula sa Philippine Coast Guard (PCG)-Aklan, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nasa layong halos 300 metro mula sa dalampasigan ang nasabing bangka nang hampasin ng malakas na alon dahilan na tumaob ito.

Ang ilan sa mga sakay ay sinikap na lumangoy papuntang dalampasigan habang ang iba naman ay piniling humawak sa lumubog na bangka.

Napag-alaman na ang 21 miyembro ng Dragon Force team ay nagsasanay para sa isang international dragon boat competition.