-- Advertisements --
image 251

Umani ng iba’t-ibang reaksyon ang panukalang gawing legal na ang paggamit ng medical cannabis o marijuana sa bansa. Sa pagdinig ng Committee on Finance kaugnay sa budget ng Dangerous Drugs Board at Philippine Drug Enforcement Agency, tinanong ni Sen. Robinhood Padilla ang posisyon ng dalawang dalawang ahensya kaugnay sa kanyang isinusulong na medical marijuana.

Sinabi ni PDEA Director-General Wilkins Villanueva, suportado nito ang panukala basta magkaroon ng malibaw na regulasyon. Pero para kay DDB chairman Catalino Cuy, kailangan pa itong pag-aralang mabuti dahil bagama’t may benepisyong medikal nga ang marijuana, nandiyan pa rin ang risk na maaaring maabuso at eengganyo ng mga adik.

Si Sen. Ronald dela Rosa naman ay pabor din dahil maliban sa medical issue, may maitutulong din ito sa ekonomiya. Maari daw itong pagkakitaan ng mga local farmers at hindi na habol ng habol ang PDEA sa mga nagtatanim ng marijuana lalo sa bahagi ng Cordillera. Samantala, inaprubahan na ng Finance Sub-committee ang budget proposal ng PDEA at DDB.