Masusing pag-aaralan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kung bakit inabswelto ng Las Piñas Regional Trial Court si Juanito Jose Remulla III, ang panganay na anak ni Justice Secretary Jesus Remulla sa kaso nitong possession of illegal drugs.
Matatandaan na mga ahente ng PDEA ang umaresto sa nakababatang Remulla sa isang controlled delivery operation sa Talon Dos, Las Piñas City noong Oktubre 11 ng nakalipas na taon. Nakuha mula sa operasyon ang isang parcel na naglalaman ng P1.3 milyong halaga ng hinihinalang kush o high-grade marijuana.
Sa kabila nito, inihayag naman ng PDEA na lubos ang kanilang respeto sa naging desisyon ng korte subalit kanilang maingat na pag-aaralan ang mga dahilan sa likod ng pagpapawalang-sala kay Remulla kaalinsabay ng patuloy na pagsusumikap sa pagsasagawa ng mga katulad na operasyon laban sa iligal na droga sa hinaharap.
Una rito, inabsuwelto ng Las Piñas City Regional Trial Court Branch 197 si Juanito Remulla at sinabing walang malinaw na ebidensya na mayroon siyang malaya, kamalayan, at may buong kaalaman sa possession ng nakumpiskang ilegal na droga.