Pumanaw na si Philippine Eagle Uswag na pinakawalan nitong mga nakalipas na buwan sa kagubatang sakop ng Leyte.
Nakita ang katawan ng agila sa karagatang sakop ng Brgy. Cawit sa Pilar, Cebu.
Unang nagsagawa ng search operation ang mga miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), mga kinatawan mula sa Philippine Eagle Foundation (PEF), at mga mangingisda matapos mawala sa radar ang agila.
Umabot sa 42 hrs ang ginawang paghahanap hanggang sa matunton ang katawan ng agila sa karagatan ng Pilar.
Nakita pa ring nakakabit sa katawan ng agila ang unang inilagay na GPS tracker.
Batay sa GPS reading, natunton ng mga eksperto ang paggalugad ni Uswag sa karagatan at kagubatang sakop ng Visayas mula noong pinakawalan ito, kabilang na ang Mount Pangasugan sa Baybay City, Leyte.
Batay sa paunang examination na isinagawa sa katawan ng agila, hindi ito nakitaan ng anumang sugat mula sa tama ng baril, trauma, o iba pang uri ng sugat.
Hinala ng Phil. Eagle Foundation, posibleng nalunod si Uswag sa karagatan dulot ng mga mabibigat na pag-ulan at malalakas na hangin dahil sa Hanging Habagat.
Maari umanong nawala ni Uswag ang kanyang ‘bearing’ at tuluyang bumagsak sa karagatan.
Ang naturang agila ay isang 3-year-old male na pinakawalan sa karagatan bilang bahagi ng critical reintroduction project ng pamahalaan.