LAOAG CITY – Mahigpit na pinagbabawalan ngayon ng Philippine Embassy sa Russia ang mga Pilipino na lumabas at pumunta sa mga matataong lugar matapos ang pag-atake ng mga kalalakihan sa isang concert hall sa Krasnogorsk sa Russia.
Sa panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Bombo International News Correspondent Regine Aguilar sa Russia, naglabas na ng babala ang embahada ng Pilipinas sa Russia hinggil sa mahigpit pa ring paglabas at pagpunta sa mga lugar na maraming tao.
Sinabi niya na dalawa hanggang limang indibidwal na lalaki na naka-combat fatigues ang biglang nagpaputok ng machine gun sa concert hall na itinuturing na pinakamalaking mall sa Moscow.
Gayunpaman, aniya, walang Pinoy na naiulat na nasugatan o namatay sa insidente.
Samantala, sinabi niyang wala pang opisyal na pahayag si Russian President Vladimir Putin tungkol sa pag-atake sa nabanggit na mall.
Nauna rito, hindi bababa sa 40 katao ang nasawi matapos salakayin ng mga lalaki ang isang concert hall sa Krasnogorsk sa Russia kung saan mahigit 100 indibidwal ang pinaniniwalaang na-trap sa loob ng gusali dahil nagsimula na rin itong masunog bunsod ng mga pagsabog.