BAGUIO CITY – Nakikipag-ugnayan ngayon ang Philippine Embassy sa Russia sa iba’t-ibang organisasyon para mabigyan ng tulong ang mga apektadong Pinoy workers doon dahil sa COVID-19 crisis.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo-Baguio kay Philippine Ambassador to Russia Carlos King Sorreta, tiniyak niyang nabibigyan ng tulong ang mga Pinoy workers doon ngunit limtado lamang ito sa Moscow.
Ipinaliwanag niyang malawak na bansa ang Russia at napaka-layo ng ibang mga bahagi nito.
Gayunpaman, sinabi niyang gumagawa ng paraaan ang embahada para matulungan ang mga Pilipinong nasa labas ng Moscow sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa ibang mga organisasyon.
Sinabi niyang namamahagi ang embahada ng mga food aid sa mga Pinoy workers at nabigyan na rin ang mga ito ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng Abot Kamay ang Pagtulong (AKAP) program ng DOLE.
Inihayag pa ni Sorreta na masunurin ang mga Pinoy sa Russia hinggil sa mga alintuntunin ng lockdown.
Aniya, marami sa mga Pinoy doon ang aktibo sa social media at marami sa mga ito ang mahilig gumamit ng video-sharing social networking service na Tiktok bilang pampalipas oras habang isinasailalim ang mga ito sa quarantine.