-- Advertisements --

Itinanggi ng Philippine Embassy sa Singapore na may ipinamimigay silang mga balota na “pre-shaded” na.

Ito ay may kaugnayan pa rin sa kumakalat umano na mayroong isang OFW ang nakatanggap ng balota na “pre shaded” na nang bumoto ito sa nasabing embahada sa ilalim ng kasalukuyang umiiral na overseas absentee voting para sa Halalan 2022.

Sa isang statement ay nilinaw ng embahada na hindi sinasadyang mabigyan ng “spoiled ballot” ang isang botante.

Iginiit naman nito na tanging “isolated case” lamang ang nangyari at tiniyak sa publiko na lubos itong nakatuon sa pagbibigay ng honest at orderly overseas absentee voting na nagtataguyod naman sa integridad ng voting process sa Pilipinas.

Samantala, sa isang pahayag naman ay binalaan ni Comelec Commissioner George Garcia ang publiko na huwag basta-basta maniniwala sa mga ganitong klase ng mga alegasyon.

Nakatakda naman aniya na pagpulungan ito ng Task Force Kontra Fake News upang talakayin ang mga impormasyon tungkol sa nasabing mga alegasyon ng “pre-shaded” ballots.