-- Advertisements --

Kinumpirma mismo ng anak ni Fanny Serrano na pumanaw na ang kinikilala bilang Philippine fashion icon at celebrity makeup artist, sa edad na 72.

Sa post ng kanyang anak na si Maktin Miranda, bandang alas-9:00 kagabi nang payapang bawian ng buhay ang kanyang ama habang nasa kanilang bahay.

Wala naman itong nabanggit na dahilan sa pagpanaw ng kanyang ama na si Fanny o Felix Mariano Fausto Jr., sa tunay na buhay.

Para kay Maktin, habambuhay siyang magiging “proud daughter” para sa kanyang papa na nagturo sa kanya na pahalagahan ang buhay.

Sa ngayon ay kaliwa’t kanan ang buhos ng pakikiramay at pagkalungkot partikular sa mga kasamahan nito sa mundo ng showbiz.

Taong 2016 nang unang beses ma-stroke si Fanny, pero Marso noong nakaraang taon nang ma-stroke muli kung saan umabot sa punto na naka-life support na lamang ito ayon sa close friend nito na si Sharon Cuneta.

Binansagan din bilang “Beauty Pioneer,” si Fanny ang nasa likod ng mga aura ng Megastar, gayundin nina Cherie Gil, Lorna Tolentino, Celia Rodriguez at iba pa.

May-ari rin siya ng salon, fashion designer at aktor na minsang pang naitampok sa isang TV drama series.