Hindi makapaniwala ang Philippine Fencing Team athlete na si Noelito Jose Jr. matapos nitong makamit ang gintong medalya sa South East Asian Fencing Federation Championship sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nanguna si Jose sa mahigit 36 na katunggali sa iba’t-ibang mga bansa sa Vietnam, Singapore, Malaysia, Brunei, Cambodia, at Indonesia sa Senior Men’s Epee category.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Pinoy fencer, ibinahagi nito ang reaksyon sa pagkapanalo at reaksyon ng kanyang pamilya na labis ang kanilang pagkatuwa sa kanyang tagumpay.
“Medyo unexpected ang gold tapos nasasabi ko, parang ang sarap sa pakiramdam na narerecognize ang paghihirap mo na nagiging proud ang parents ko, family ko, at siyempre sa sarili ko na nakikita kong nagbubunga ang paghihirap ko. Sobrang sarap sa pakiramdam and by God’s grace, nanalo naman at nakuha ko ang gold medal.”
Nagbigay rin ang fencing gold medalist ng payo kung paano makarating sa pinapangarap na tagumpay.
“Kung nag-eenjoy ka sa ginagawa mo, kahit mahirap ang training dahil gusto mong gumaling at gusto mo ang ginagawa mo, hindi mo mararamdaman iyon. Mag-start tayong mangarap kasi doon magsisimula lahat.”
Matatandaan na si Jose ay ang 3x UAAP Scholar Athlete of the Year at 4x UST Athlete of the Year. Pinaghahandaan nito ang mga paparating na kompetisyon tulad ng World Cup sa Germany, Argentina, at France at ASEAN Games ngayong taon. Inaasam rin nito na mag-qualify para sa 2024 Olympics.