BUTUAN CITY – Ikinagalak ni Philippine Football Federation Board of Governors member at Butuan City Vice Mayor Lawrence Lemuel Fortun nang personal nitong masaksihan ang pagkampiyon ng Filipinas football team kagabi sa Asian Football Federation (AFF) Women’s Championship 2022 matapos talunin ang Thailand sa score na 3-0.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Vice Mayor Fortun na makapanindig balahibo ang convincing victory na naabot ng Filipinas lalo na’t masaya na ang mga Pinoy nang makapasok sila sa quarter finals ng prestihiyosong kompetisyon.
Hindi umano basta-basta ang malaking improvement ng mga atleta lalo na’t ngayon lang natalo ng Team Filipinas ang defending champion Vietnam at malaki rin ang kontribusyon ng coaching staff sa kampiyonato.
Ang pagkampiyon ng Filipinas ay naging inspirasyon ngayon ng iba pang mga babaeng football players upang ipagpatuloy ang kanilang pangarap na mag-excel sa nasabing sporting event lalo na’t hindi gaanong kilala noon ang koponan dahil nakatutok lang ang atensyon sa lahat sa Philippine men’s football team na Azkals.