Naipasakamay na sa Philippine General Hospital (PGH) ang bago at kauna-unahang first state-owned positron emission tomography-computed tomography (PET-CT) scanner.
Maliban sa bagong PET-CT scanner, naipasakamay na rin sa naturang ospital ang ang centralized intensive care unit na may kakayahang mag-accommodate ng 32 pasyente, kasama na ang 128-slice CT scanner.
Ayon kay University of the Philippines-PGH Director, Dr. Gerardo Legaspi, ang lahat ng mga ito ay maghahatid ng mas episyenteng serbisyo lalo na sa mga mahihirap na pasyenteng dinadala sa pinakamalaking tertiary hospital ng bansa.
Inihalimbawa nito ang PET-CT scanner na kayang mag-accommodate ng hanggang walong pasyente araw-araw na posibleng tataas pa sa 15 sa ilalim ng regular operations.
Sa pamamagitan nito ay magiging mas mabilis ang pagsuri sa sakit at ang pagtukoy sa uri ng sakit ng mga pasyente.
Taon-taon, nagagawa ng UP-PGH na pagsilbihan ang mahigit 700,000 pasyente.
Nagsisilbi rin itong isa sa pangunahing training ground ng mga health professional ng bansa.