LEGAZPI CITY- Nilinaw ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology na walang naitalang mga ashing events sa Bulkang Mayon kahapon taliwas sa mga kumakalat na impormasyon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay resident volcanologist Dr. Paul Alanis, nagkaroon lamang ng mga pyroclastic density currents o uson at wala namang nangyaring pagputok.
Na-monitor rin ng ahensya ang lava dome na siyang pinagmumulan ngayon ng mga nangyayaring rockfall events sa bulkan.
Ayon pa kay Alanis sa mga nakalipas na buwan ay bumaba na ang mga binabantayang parametro sa bulkan subalit hindi pa rin inaalis ang posibilidad ng pagputok nito kung kaya mananatili pa rin ang nakataas na alert level 3 status.
Samantala, mahigpit naman na nakabantay sa ngayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology sa lagay ng panahon lalo pa at posibleng maapektohan ng mga pag-ulan ang mga volcanic materials na nasa itaas ng bulkan na posibleng bumagsak pababa.