Pinaghahandaan na ng Philippine Karatedo League ang mga international competitions na kanilang lalahukan, kabilang na diyan ang Asia Cup E-Kata Championships sa darating na Oktubre sa England, ang World Chito Ryu Championship sa Indonesia, at World Goju ryu Karate Championship sa Italy na gaganapin naman sa susunod na taon.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa PKL Founder na si Shihan Denisu Aquino, ikinuwento nito ang mga adjustments na kanilang gagawin para sa mga torneo na kanilang sasalihan. Masaya rin nitong ibinahagi na mas marami umano ang naengganyo na mga kabataan na pumasok sa sport na Karate-do sa panahon ng pandemya.
“Hindi naman kami masyadong naapektuhan sa training. Eventhough nag-pandemic, tuloy-tuloy pa rin kami, kasi meron kaming training program na sinusunod. What we did, we gave them the training program, tapos ginagawa nila sa bahay, tapos may monthly evaluation lang. Since ngayon, natapos na ang pandemic, mas rigid siguro ang training, kasi may mga naka-lineup na mga international events. Kailangan naming maka-cope up sa standard ng training namin.”
Maliban sa mga international competitions na pinaghahandaan ng team, nagkaroon din ang mga ito ng programa kabilang na diyan ang 8th PKL Anti Bullying Karatedo Championship kung saan nilahukan ito ng mga manlalaro mula sa iba’t-ibang mga eskwelahan sa bansa.
Inaabangan na rin ang ilan pang nakalatag na mga tournaments ng PKL, kasama na diyan ang Estilo Cup – Karatedo tournament at ang Martial Arts Brotherhood Karate-do Championships na gaganapin sa darating na September 4 sa Angeles City, Pampanga.