Tinanghal bilang kauna-unahang Pinoy Kun Khmer world champion ang Pinoy athlete na si Kaiden “The Angry Bird” Brioso sa 4th World Kun Khmer Championships na ginanap sa Siem Reap, Cambodia. Nakuha nito ang gintong medalya sa Men’s Junior Amateur 51 kgs matapos nitong talunin ang Japanese fighter na si Yoshito Kobayashi.
Maliban kay Kaiden, nakakuha rin ng silver medals sina Coach Archie Brioso sa Men’s Senior Pro-Amateur 63.5 kgs, Justive Vien Fernandez sa Men’s senior 60 kgs, at si Queen Paguio sa Women’s Senior 54 kgs.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Philippine Kun Khmer Team Kalasag, ibinahagi ng mga ito ang kanilang kagalakan dahil ito umano ang kanilang unang pagkakataon na lumahok sa international competition at nakapag-uwi agad ang mga ito ng mga medalya.
“Sa totoo lang po, una ko itong international competition. Masaya rin po ako na nabigyan ako ng chance para makipag-compete sa world stage,” anya ni Brioso. Saad naman ni Paguio, “Nakakaproud kasi nagstart ako sa class para lang sa fitness and eventually na-learn ko ang martial arts. Sobrang masaya ang feeling, parang hindi totoo.”
Samantala, ayon kay Fernandez, puro umano local competition ang kaniyang nasasalihan noon.
“Masaya po kasi first time ko rin sumali sa international [competition]. Kasi puro local [competitions] lang ang nilalahukan namin.”
Ibinahagi rin ni Coach Archie ang ilan sa mga hamon na kanilang kinaharap sa naturang kompetisyon.
“We prepared for it and we went there to fight. We went there to give our best, kaya laban kami kung laban. Kahit sinong iharap sa amin, lalabanan namin kasi nandoon na rin kami. We spent time, effort and money in preparing.”
Sunod na paghahandaan ng Team Kalasag ang mga kompetisyon sa susunod na taon.