Humakot ng mga medalya ang Philippine Memory Team sa Indonesia Memory Sports Open Championships. Pinangunahan ito ng mga top memory athlete’s ng bansa na kinabibilangan nina Chloe Galamgam, Charles Galamgam, Chelsea Galamgam, Jaychelle Calumpong at Jayson Calumpong. Naiuwi ng mga ito ang kabuuang 21 na medalya, kung saan 9 dito ay gold, 4 ang silver at 8 ang bronze.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Presidente at Head Coach ng Philippine Mind Sports Association na si Coach AB Bonita, lubos ang kagalakan ng mga ito dahil halos dalawang buwan lang umano ang ginawa nilang intensive training at preparasyon sa kompetisyon, gayunpaman nagbunga ang hirap at nakapag-uwi ang mga ito ng maraming medalya. Nagbahagi din ito ng ilang mga techniques para ma-improve ang memorization skills ng mga gustong pasukin ang ganitong klase ng sport.
“Nagkaroon kami ng intensive training, kasi dalawang buwan na lang ang natitira para mag-prepare kami dahil galing sa pandemic. Meron din mga financial limitations tayo. Regularly, almost every day, ang advice ko sa kanila, meron kaming ginagamit na application para kahit wala akong monitoring, makakapag-training sila on their own. Ang kagandahan ngayon sa training, kumpara dati na galing sa malayong probinsiya ang mga estudyante, ngayon sa tulong ng mga online devices natin, nakaka-pagtraining na kami simultaneously.”
Sa kasalukuyan, pinaghahandaan ng mga memory athletes ang Brain Republic Memory Sports Championship 2023 kung saan ito ang magsisilbing preparasyon sa 2023 Asia Open Memory Championship na gaganapin dito sa Pilipinas sa Oktubre ng kasalukuyang taon.