-- Advertisements --
PMA ARCH BAGUIO
The Philippine Military Academy (PMA) in Baguio City (photo from gobaguio.com)

BAGUIO CITY – Ipinag-utos na ni Philippine Military Academy (PMA) superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista sa mga imbestigador ang mabilisang pagtapos sa imbestigasyon sa pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.

Ayon kay PMA spokesperson Major Rey Afan, ibinilin din ni Lt. Gen. Evangelista ang pagsisiguro ng mga imbestigador na hindi makokompromiso ang “objectivity at fairness” ng investigation process.

Sinabi niya na titingnan din ng mga imbestigador ang lahat ng posibleng paglabag sa mga panuntunan at standard operating procedures ng akademya.

Aniya, nahaharap ngayon ang PMA sa isang krisis ngunit hinahangad nila na pagkatapos ng krisis ay magiging mas magaling at mas maayos ang akademya.

Dinagdag pa niya na panahon ngayon para sa self-criticism ng akademya.

Bukas din aniya ang akademya sa pag-imbestiga ng National Bureau of Investigation at Philippine National Police.

Una rito, inalis na ng PMA ang lahat ng mga opisyal na may direktang koneksyon sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio habang dalawa pang kadete ang tinukoy na mga bagong persons of interest sa krimen maliban pa sa tatlong kadeteng suspek.

Liban kay Dormitorio, meron pa umanong dalawa pang kadete ang nasa ospital na biktima rin ng hazing.