Aminado si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. na may namomonitor pa rin ang pulisya na mga nagpapalaro ng e-sabong sa Pilipinas.
Sa kabila ito ng pagbabawal at pagpapatigil ng mga otoridad sa operasyon nito dahil sa naging negatibong epekto nito sa maraming manlalaro nito, kabilang na ang pagkawala ng 34 na mga sabungero sa Laguna.
Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP chief Azurin na kaugnay nito ay nagbigay na siya ng direktiba sa lahat ng National Support Unit ng pambansang pulisya para pagtulungan na hanapin at patigilin ang mga ilegal na nag o-operate ng online sabong sa Pilipinas.
Layunin nito na matukoy ang mga istasyon ng nasabing pasugalan upang agad na maipasara na ang mga ilegal na online sabong website.
Batay kasi aniya sa mga impormasyong nakalap ng pulisya, nadagdagan pa at hindi lamang mga Pilipinong nasa bansa ang nalululong dito kundi maging ang mga kababayan nating nasa ibayong dagat.
Pagbibigay-diin pa ni Gen. Azurin, talagang dapat na matuldukan na ang ilegal na mga operasyon nito dahil maaari pa aniya itong maging dahilan pa ng iba’t-ibang uri ng krimen.
Kung maaalala, sa panahon ng panunungkulan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ipinatupad ang pagbabawal at pagpapatigil sa operasyon ng online sabong sa bansa dahil sa pagkalulong dito ng mga mananaya nito na nagiging sanhi pa ng kanilang pagkabaon nila sa utang.