![image 37](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/01/image-37.png)
Mismong si Philippine National Police chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. ang unang-unang magsusumite ng kaniyang courtesy resignation.
Sa isang pahayag ay sinabi ni Philippine National Police-Public Information Office chief PCol. Redrico Maranan, ito ang kanilang napag-usapan sa ipinatawag na command conference ni Gen. Azurin kasama ang mga colonel at heneral ng Pambansang Pulisya.
Kasunod ito ng naging pag-apela ni Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. sa lahat ng mga full-pledged colonel at generals na magbitiw sa kanilang puwesto para sa layuning linisin ang buong hanay ng kapulisan na bahagi ng kampanya nito kontra illegal na droga.
Ayon kay Maranan, ito ay pagpapahayag ng buong suporta ng Pambansang Pulisya sa hakbang na ito ni Abalos para sa “fresh start” muli sa loob ng Philippine National Police (PNP) at tiwala rin aniya si Azurin na ito ay para rin sa ikabubuti at kapakanan ng buong organisasyon ng pulisya.
Samantala, bukod dito ay naniniwala ang buong hanay ng kapulisan na magiging patas ang isasagawang vetting process at maki-clear sa lahat ng alegasyon, at pagdududa sa kanilang integridad sa lahat ng police officials na mapapatunayang walang kinalaman sa illegal na droga.